top of page

HIMAGSIKANG PEOPLE POWER

Unknown Track - Unknown Artist
00:00 / 00:00

Dahil na rin sa mga balita ng malawakang pandaraya sa eleksiyon, nagbalak ang ilang mga sundalo sa pamumuno ng noon ay Kalihim ng Pambansang Depensa, si Juan Ponce Enrile, na pabagsakin ang pamahalaang Marcos. Sa kasamaang palad, nalaman ni Marcos ang balak na ito, at agad na pinag-utos niya ang pagdakip sa mga pinuno nito. Dahil nahaharap siya sa napipintong pagdakip sa kaniya, humingi ng tulong si Enrile sa AFP Vice- Chief of Staff na si Lt Gen Fidel Ramos. Pumayag si Ramos na magbitiw sa kaniyang puwesto at sinuportahan ang mga rebeldeng sundalo. Kinausap din ni Enrile ang Arsobispo Katoliko ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin para sa suporta.

Noong 6:30 ng gabi nagkaroon ng press conference si Enrile at Ramos sa Kampo Aguinaldo. Ipinahayag nila ang kanilang pagbibitiw sa puwesto sa gabinete ni Marcos at ang kanilang pagtiwalag sa suporta ng gobyerno. Nagpatawag din ng sariling press conference si Marcos at sinabi niya kay Ramos at Enrile na sumuko na lang, at "tigilan ang kamangmangang ito."[7]

Bandang ika-siyam ng gabi, sa pamamagitan ng Radio Veritas na pinapatakbo ng Romano Katoliko, nanawagan si Cardinal Sin sa mga taong bayan na pumunta sa EDSA para suportahan ang mga rebeldeng sundalo sa Kampo Crame at Kampo Aguinaldo sa pamamagitan ng iba't ibang bagay na makakatulong sa kanila, tulad ng pagbibigay ng pagkain at ng iba pa nilang pangangailangan. Sa kabila ng kapahamakan na maaaring dumating sa kanila laban sa puwersa ng gobyerno, nagpunta ang mga sibilyan, maging ang mga madre at pari, sa EDSA.

Malaki ang bahagi ng Radio Veritas sa rebolusyong ito. Ayon sa dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas na si Francisco Nemenzo, magiging imposible na hikayatin ang mga tao na makilahok sa rebolusyong ito sa ilang oras lamang kung wala ang Radio Veritas.

ANG LUMALAKING SUPORTA NG MASA

 

Noong kasagsagan ng rebolusyon, tinatayang nasa isa hanggang tatlong milyong katao ang pumuno sa EDSA mula sa Abenida Ortigas hanggang Cubao. Ang larawan ay sa itaas ay nagpapaita ng panulukan ng EDSA at Abenida Bonny Serrano, sa pagitan ng Kampo Krame at Kampo Aguinaldo.

Noong madaling araw ng Linggo, 23 Pebrero 1986 pumunta ang mga sundalo ng gobyerno para wasakin ang transmisor ng Radyo Veritas, at dahil doon marami ang mga tao sa probinsiya ang hindi makasagap ng impormasyon. Dahil dito napilitan ang estasyon na gamitin ang pangalawa (backup) nitong transmisor na mayroong mas maliit na sakop ng brodkast. Naisipan ng gobyerno na gawin ang aksiyong ito dahil mahalaga ang Radio Veritas sa pakikipagtalastasan sa mga tao na sumusuporta sa mga rebeldeng sundalo. Nagbibigay ng impormasyon ang himpilang ito tungkol sa mga pinakahuling galaw ng sundalo ng pamahalaan at ito din ang nagsisilbing daan upang manawagan sa pangangailangan ng pagkain, gamot at mga suplay.

Sa kabila nito, marami pa rin ang mga tao na dumagsa sa EDSA. Umabot sa daang libo ang mga tao na walang dalang ibang sandata. Ang ilan sa kanila ay may dala ng rosaryo at imahe ng Birheng Maria. Marami ang nakilahok sa malawakang pagdarasal (prayer vigil) sa pamumuno ng mga pari at madre. Marami naman ang gumawa ng mga harang o barikada gamit ang mga sako ng buhangin at mga sasakyan sa mga kanto sa kahabaan ng EDSA katulad ng Santolan at Abenida Ortigas. Marami ding grupo ang kumanta ng "Bayan Ko"[8], na, simula pa noong 1980 ito ang naging makabayang awit ng oposisyon. Marami ding tao ang gumamit ng sagisag pang-kamay (hand sign) ng LABAN[9] ; na ang hinlalaki at hintuturo ay bubuo ng letrang "L".

Noong araw ding iyon bumisita ang dalawang rebeldeng pinuno sa kabilang kampo. Tumawid si Enrile sa EDSA mula Kampo Aguinaldo hanggang Kampo Crame sa pagitan ng mga maraming tao na nagsusuporta sa kanila.

Binalita ng Radyo Veritas noong hapon na iyon na may mga batalyon ng Marines na papunta sa dalawang mga kampo sa silangan, at mga tangke na papunta mula sa hilaga at timog. Dalawang kilometro mula sa mga kampo, hinarang ng libo-libong mga tao ang isang batalyon ng tangke na nasa pamumuno ni Brigadier General Artemio Tadar sa Ortigas Ave.[10] Nagsiluhuran ang mga madre at nagdasal ng rosaryo, at nagkapit-bisig ang mga tao para harangin ang mga sundalo.[11] Sa kabila ng banta ni Tadar sa mga tao ay hindi sila umalis. Walang nagawa ang mga sundalo sa situwasyon, at di nagtagal umurong na lang sila ng hindi man lang nagpapaputok.

Noong gabing iyon ay bumigay na rin ang transmitter ng Radyo Veritas. Bandang hatinggabi ay lumipat ang mga tripulante sa isang lihim na lugar para magpatuloy sa pagbo-broadkast, sa ilalim ng pangalang Radyo Bandido. Si June Keithley ang brodkaster na nagpatuloy sa programa ng Radio Veritas sa bagong estasyon sa nalalabing mga araw ng rebolusyon.

bottom of page